TAMANG K.A.I.N. (KID AND INFANT NUTRITION), ANO, BAKIT, PAANO?
Malusog at malakas na pangangatawan. ‘Yan ang hiling ng bawat magulang para sa kanilang mga anak. Pero paano nga ba ito sisimulan? Tamang KAIN. (Kid and Infant Nutrition) ang sagot diyan.
LIMANG dapat tandaan sa pagsunod sa Tamang Kain base sa aking karanasan:
1. Magbasa, mag-aral, at magsaliksik.
Hindi ko matututunan ang tungkol sa Tamang Kain kung hindi ako naglaan ng panahon at pinag-aralan ang tamang pagpapakain kay baby kapag nasa edad anim na buwan na siya. Marami akong sinalihang Facebook groups, gaya na lamang ng Breastfeeding Pinays na nag-po-promote ng Tamang Kain. Malaking tulong ito dahil lumawak ang aking kaalaman at nabuksan ang aking isipan pagdating sa tamang pagpapakain kay baby.
2. Maging open-minded.
Madaming prinsipyo ang Tamang Kain na taliwas sa nakasanayan natin. Gaya ng mga sumusunod:
Bawal ang asin, asukal, at kahit ano pang pampalasa sa batang isang taon pababa. At kung kayang wala talaga kahit lagpas dalawang taon, bakit hindi? Mahigit dalawang taon na ang aking anak na si Mav, pero hanggang ngayon, halos wala pa ring lasa ang mga kinakain niya.
Pwede nang kumain ang mga sanggol kapag anim na buwan na, pero kung wala pang senyales na handa na siyang mag-solid food, pwedeng huwag muna siya pakainin.
Gulay at prutas lang ang dapat kainin (maliban sa kanin) ng mga baby na edad dalawang taon pababa.
Bawal pa ang isda, manok, at karne sa mga batang 2 taon pababa.
Ang anumang processed baby food gaya ng biscuits at cereals ay hindi dapat ipakain kay baby dahil hindi ito masustansiya.
Nagtaas ka ba ng kilay? Mahirap talaga sa umpisa, lalo na kung hindi mo nakasanayan ito.
3. Maging determinado. Dapat buo ang loob!
Ang sabi nga, kung gusto, may paraan. Kung ayaw, maraming dahilan. Mahirap sundin ang Tamang Kain at mahirap maging consistent. Lalo na sa mga working mom na tulad ko. Ang dali na lang sanang bumili ng processed food na pwedeng ipakain kay baby kahit anong oras. Pero kung determinado ka at buo ang loob mo na ginagawa mo ang lahat para sa magandang kalusugan ng anak mo, wala kang hindi kakayanin.
Kakayanin mong matulog nang late dahil kapag napatulog mo na siya, saka ka pa lang makakapag-prepare ng gulay na lulutuin mo kinabukasan. Kakayanin mong gumising ng sobrang aga para makapagluto ka ng lahat ng kakainin niya sa buong maghapon. (Ako lahat ang nagluluto ng kakainin ni Mav, para sigurado ako na ang ipapakain ni yaya ay masustansiya.)
Kakayanin mong mag-isip ng iba’t ibang healthy recipe para sa kanya.
Kakayanin mong magbaon ng sarili niyang pagkain tuwing lalabas kayo.
Kakayanin mong tiisin na hindi niya makakain ng mga paboritong snacks ng ibang bata gaya ng candies, chocolate, chips, at iba pa.
Kakayanin mong balewalain ang iisipin at sasabihin ng ibang tao na wala pang alam sa Tamang Kain.
4. Kumuha ng suporta.
Oo, kakayanin mo ang lahat pero kailangan mo rin ng mga taong susuporta sa Tamang Kain journey ninyo ni baby. Sino pa bang susuporta sa’yo kundi ang pamilya mo?
Unang-una sa lahat ay si mister. Dapat siya ang una mong papaliwanagan ng lahat-lahat. Para magkakampi kayo sa pagpapaliwanag sa pamilya ninyo.
Maging miyembro ng mga Facebook group tulad ng Breastfeeding Pinays at Healthy Baby Food Ideas. Ma-i-inspire at ma-mo-motivate ka talaga na ipagpatuloy ang Tamang Kain dahil sa mga kapwa nanay na makikilala mo. Tulad na lang ni Mommy Bem Chua. SIya ang founder ng Healthy Baby Food Ideas at talaga namang nakakahanga ang kanyang talento sa paggawa ng masusustansiyang pagkain para sa anak niyang si Sage.
5. Maging mabuting halimbawa.
Hindi pa kami perpektong ehemplo para kay Mav pero sinusubukan namin. Lalo na at interesado na siya sa kung anong nasa plato namin. Kung gusto naming masustansiya ang kinakain niya, dapat kaming magulang ay ganun din. Mahirap, pero kakayanin.
Nang magsimula ako sa Tamang Kain, madami akong takot at pagdududa. Pero ang inisip ko na lang ay si Mav. Hindi ko sinimulan ang Tamang Kain para lang hindi siya maging picky eater. Nag-uumpisa na siyang mamili ng pagkain ngayon, kaya hindi mo rin masasabi na hindi magiging pihikan ang bata kapag nag-umpisa siya sa Tamang Kain.
Ang tangi kong layunin ay ang mapalaki siyang isang malusog na bata. Ngayon pa lang, sa tingin ko ay naging successful na ako sa goal na ‘yun.
Mahaba pa ang aming lalakbayin. Gusto kong ipagpatuloy ang Tamang Kain hanggat makakaya ni Mav. Alam kong hindi ko siya mapipigilang kumain ng hindi masustansiyang pagkain kapag lumaki na siya, pero masaya na akong nabigyan ko siya ng malusog na pundasyon. Hanggat ako ang naghahanda ng pagkain niya, pipiliin ko pa rin ang masustansiyang pagkain. Tamang Kain pa rin.
Comments
Post a Comment