Walong Bagay Na Dapat Isaalang-alang Sa Intentional Parenting
"Tahan na! Huwag ka nang umiyak."
"Hindi naman 'yan masakit. Okay lang 'yan."
"Kumain ka na. Kapag hindi ka kumain, hindi ka pwedeng maglaro."
"Huwag kang malikot kung hindi papaluin ka ng Tatay mo."
Ito ang madalas na sinasabi ng mga magulang ngayon sa kanilang mga anak. Ito rin ang palaging sinasabi sa atin ng ating mga magulang noon.
"Hayaan mong umiyak sa umaga para lumakas ang baga."
"Huwag mong buhatin palagi. Baka masanay sa karga."
Ito naman ang madalas na sinasabi ng matatanda sa mga bagong magulang, na siya ring nakagisnan na nila noong sila din ay magkaroon ng anak.
Wala namang masama dito. Naging parte na din ito ng tipikal na pagpapalaki sa mga bata. Pero kung pakaiisipin, sinasabi o ginagawa ba natin ito para sa ating mga anak o para sa ikaaalwan natin bilang mga magulang?
Noong bago ipanganak si Mav, ito lang din ang alam kong gagawin ko sa pagpapalaki sa kaniya. Kung ano ang sinasabi sa akin, iyon ang gagawin ko. Kung ano ang nakasanayan na ng iba, iyon ang susundin ko. Pero dahil na rin sa mga makabagong mga Nanay na sinusundan ko sa social media, at sa walang sawa kong pagbabasa tungkol sa pagpapalaki ng bata, nalaman kong may mas magandang paraan pa pala bukod sa paraang nakasanayan lamang. Nalaman ko ang tungkol sa "intentional parenting."
Kasalungat nito ang quick-fix parenting na siyang tawag sa mga nabanggit ko sa unang bahagi. Ang quick-fix ay ang mga bagay na agad nating ginagawa upang mapatigil ang hindi kanais-nais na bagay na ipinapakita ng ating mga anak. Maaaring mabawasan nito ang stress nating mga magulang, ngunit ang ganitong solusyon ay hindi gaanong makakatulong sa pagkatao ng isang bata habang siya ay lumalaki.
Sa intentional parenting, palagi mong iisipin kung ano ang maidudulot ng anumang gawin mo sa isang bata sa kaniyang kinabukasan. Ito ay paraan ng pagpapalaki sa mga bata na maging malusog, masaya at marunong makipagkapwa-tao. Lahat ng gawin mo ay nakabatay sa mga prinsipyo, pag-aaral at plano.
Narito ang walong bagay na aking natutunan mula sa isang blog ni Jon Helmkamp, isang manunulat mula sa Portland, OR, na maari mo ding gawin kung nais mo ding sundin ang intentional parenting.
1. Isipin mo kung paano ka pinalaki ng iyong mga magulang at ng mga taong nasa paligid mo.
Anu-ano ang mga bagay na itinuro sa iyo noong bata ka pa. Paano ka nila hinubog? Paano ka tinulungang magdesisyon para sa sarili mo? Paano ka dinisiplina? Maaaring may mga pamamaraang nais mong gayahin, ngunit mayroon ding nais mong baguhin. Ikaw lang ang makakapagdesisyon kung ano naman ang gagawin mong pamamaraan ngayong magulang ka na din.
2. Tingnan mo ang mga magulang na hinahangaan mo.
Walang perpektong Nanay o Tatay pero maaaring may mga bagay kang makuha sa kanila na pwede mo ring magamit sa pagpapalaki ng iyong anak. Isa sa mga hinahangaan kong Nanay sa mundo ng showbiz ay si Ms. Paula Peralejo. Sa katunayan, sa kaniya ko unang narinig ang intentional parenting at simula noon ay sinubaybayan ko na kung anong mga pamamaraan ang ginagamit niya sa kaniyang anak. Ginagaya ko ang sa tingin ko ay nararapat at posible kong magawa sa aking anak.
3. Magkaroon ng komunikasyon sa iyong asawa. Ang pagpapalaki sa anak ay nangangailangan ng pagtutulungan. Ang pagiging intentional parent sa pagpapalaki sa iyong anak ay pagsasaalang-alang ng kung anong pinakamahalaga sa iyo at nararapat lamang na ganun din ang iyong kabiyak.
Sa tuwing may nababasa ako at bagong natututunan mula sa pagsasaliksik tungkol sa mga bagay na may kinalaman sa intentional parenting, ibinabahagi ko agad ang mga kaalamang ito sa aking asawa upang matiyak na pareho kami ng ginagawang pamamaraan. Importanteng nagkakasundo ang mga magulang at may iisang layuning para mas maging matagumpay sa pinili niyong landas.
4. Isipin mo kung anong klaseng paguugali ang gusto mo para sa iyong anak.
Ano ang gusto mo para sa kinabukasan ng iyong anak? Paano mo siya gustong makitungo sa iba? Anong paguugali ang gusto mong makuha niya mula sa iyo? Palagi mong isipin na anumang sinasabi mo o ginagawa mo ay may malaking impluwensiya sa kung sino man siya sa hinaharap, gayun din ang mga taong madalas niyang nakakasama.
5. Gumawa ng routine upang mas maging matagumpay ang iyong anak.
Mahalaga ang pagkakaroon ng routines pagdating sa mga bata. Kapag alam nila ang mga mangyayari at dapat gawin sa nakatakdang oras o araw, maihahanda nila ang kanilang sarili at hindi na kinakailangan ang sapilitang pagpapagawa sa kaniya ng mga ito. Makakatulong ang paggawa ng talatakdaan upang mas magabayan ka at ang iyong anak sa kung anong gagawin sa buong araw.
6. Maging consistent.
Kung gumawa na kayo ng routine, dapat ay hindi ito bigla na lamang mababago. Kung mayroon kayong pinagkasunduan ng iyong asawa tungkol sa isang bagay, dapat ay maging consistent kayo pareho. Napatunayan ko ito sa ginawa naming disiplina pagdating sa pagkain ni Mav. Simula pa lamang ay kasunduan na naming mag-asawa na hindi namin pakakainin ng kendi at chips si Mav. Dahil naging consistent kami dito, kahit nakatalikod kami, tiwala kaming hindi nga siya kakain dahil alam niyang hindi ito makakabuti sa kaniya. Kapag nakasanayan na ng bata ang isang gawi, mahirap na niya itong baguhin.
7. Maglaan ng oras na hindi gumagamit ng cellphone o nanonood ng TV.
Ito ang sa aking palagay ay isa sa pinakamahirap gawin. Lalo na at aminin man natin o hindi, mahirap nang palipasin ang isang buong araw na hindi natitingnan ang social media account o napapanood ang paboritong programa sa telebisyon. Ngunit hindi naman din kawalan kung maglaan ng kahit sandali sa buong maghapon na ang atensiyon mo ay nakatuon lamang sa iyong anak. Importanteng maparamdam mo sa kaniya na siya pa din ang pinakamahalaga sa iyo.
8. Maglaan ng oras kasama ang iyong anak.
Aminin natin na, bilang mga magulang, masyado tayong abala sa napakaraming bagay. Marami tayong gusto at kailangang gawin. Subalit tandaan natin, kasabay ng pagiging abala natin ay ang paglaki din ng ating mga anak. Hindi natin namamalayan, ang batang hinehele mo lang noon, ayaw nang tumabi sa pagtulog ngayon. Ang batang palaging gusto kang kasama noon, mas gusto nang kasama ang barkada ngayon. Hindi natin mapipigilan ang paglaki ng ating mga anak kaya habang bata pa ay maglaan tayo ng maraming oras kasama sila. Makipaglaro ka. Makipagkulitan. Makipaghabulan. Makipagkwentuhan. Kung nais nating maging mabubuting tao ang ating mga anak, samahan natin sila sa kanilang pagiging bata.
Hindi madali ang intentional parenting. Madaming bagay na dapat palaging isaalang-alang. Madaming bagay sa sarili mo ang dapat baguhin. Madaming prinsipyong taliwas sa nakasanayan.
Hindi pa rin namin perpektong naisasagawa ito sa pagpapalaki namin kay Mav. Pero patuloy naming sinusubukan. Dahil kung ang kapalit naman nito ay isang mas masaya, mas malusog, mas marunong at mas mabuting bata, patuloy naming gagawin hanggang sa kami ay magtagumpay.
Comments
Post a Comment