MY CHILD, MY RULES


 MAHIRAP ANG MAGING NANAY, lalo na sa panahon NGAYON.

Parang laging may kumpetisyon sa pinakamagaling na ina at pinakamagaling na anak.
Parang laging nasa isang malaking entablado na sa bawat salita at kilos mo at ng anak mo ay may mga taong nanonood.
Para kang nasa isang mall at napapalibutan ng mga nagbebenta ng produkto at sinasabing, "Ito ang bilhin mo dahil ito ang pinakamaganda."
Palaging nagtatalo ang isip mo sa mga bagay-bagay.
Para kang namamangka sa dalawang ilog at hindi mo alam kung alin ang mas mabuting patunguhan.
Sabi nila, maganda ang gatas ng ina at pinakamasustansiya ito. Pero sabi din nila, dapat uminom ng formula milk ang iyong anak para mas tumalino, tumaba at lumusog ang bata.
Sabi nila, huwag mong sanayin sa karga at huwag agad kukuhanin kapag ang sanggol ay umiyak. Pero sabi din nila, minsan lang sila maging bata. Kargahin mo hanggat gusto niya dahil darating ang araw na hindi mo na ito magagawa dahil malaki na siya.
Sabi nila, magtrabaho ka para may sarili kang pera at di ka umaasa sa bigay ng asawa. Pero sabi rin nila, unahin mo ang iyong pamilya. Piliin mo ang iyong anak. Makakapaghintay ang trabaho, pero ang paglaki ng anak mo hindi mapipigilan.
Sabi nila, pakainin mo ng masusutansiyang pagkain. Ikaw naman, sinunod ang Tamang Kain. Pero sabi din nila, huwag mong selanan sa pagkain. Maigi yung hindi pihikan at kahit ano ay kinakain.
Sabi nila, ipasok mo na sa eskwelahan ang bata pagtuntong ng tatlong taon para maagang matuto at makihalubilo sa iba. Pero sabi din nila, hayaan mong i-enjoy niya ang pagkabata. Mas mabuting i-homeschool para lagi kayong magkasama at mas matututukan mo pa siya.
Sabi nila, okay lang ang mamalo. Mas mabuting may kinatatakutan para hindi lumaking matigas ang ulo. Pero sabi din nila, hindi lang pamamalo ang paraan ng pagdidisiplina at mabisang gawin upang mapalaki itong mabuting bata.
Sabi nila, papanoorin mo ng mga educational videos habang baby pa para maagang matuto. Pero sabi din nila, mas mabuting zero screentime ang baby simula pagkapanganak hanggang dalawang taon.
Alam mo na ang sabi nila, at alam mo din ang sabi pa ng iba, ano naman ang masasabi mo?
Maraming pamamaraan ngayon ng pagiging magulang. At totoong sa sobrang dami, nalilito ka na din kung alin ba talaga ang dapat sundin?
Nanay, sundin mo lang kung ano ang nasa isip at puso mo. Bilang isang ina, ikaw ang pangunahing makakapagdesisyon kung ano ang nararapat gawin. Gawin mo kung ano ang pinaniniwalaan mong makabubuti para sa iyong anak, nang walang tinatapakang ibang Nanay na taliwas sa iyong mga pamamaraan.
Parati nating naririnig ang "My child, my rules" at "to each his own." Totoo naman ito.
Hangga't alam mo ang mabuting maidudulot ng iyong mga ginagawa sa paglaki ng iyong anak, hangga't may sapat kang basehan kung bakit iyon ang pinili mong gawin sa iyong anak, at hangga't kaya mong panindigan ang mga desisyon mo sa pagiging magulang, go lang ng go ka-Nanay!
Pero tandaan, hindi rin naman masamang humingi ng opinyon ng iba. 😊
At huwag mong kalimutan, sa mata ng iyong anak, palagi kang tama. Sa mata ng iyong anak, "the best" ka! 🤗

Comments

Popular posts from this blog

TAMANG K.A.I.N. (KID AND INFANT NUTRITION), ANO, BAKIT, PAANO?

AN OPEN LETTER TO NANAY