KAMUSTA KA, NANAY?
Dear Nanay,
May nakapagtanong ba sa'yo ngayong araw kung kamusta ka?
Maaaring meron, pero agad na kasunod nun ay "kamusta na ang anak mo?"
Sa mga ordinaryong araw, may nagtanong ba kung kumain ka na?
Maaaring meron, pero bago ka pa man makasagot, ang kasunod agad ay, "ang mga bata, kumain na ba?"
Sa mga panahong may sakit ka, may nakaalala ba?
Maaaring meron, pero kasunod nun ay ang mga katagang "mabuti na lang din at ikaw, kesa anak mo ang nagkasakit."
Ganiyan talaga kapag Nanay ka. Uunahin din nilang isipin ang kapakanan ng anak mo bago pa ikaw.
Ikaw na akala ng lahat ay palaging malakas.
Ikaw na akala ng lahat ay kinakaya at kakayanin ang kahit anong hirap.
Ikaw na akala ng lahat ay okay lang.
Ikaw na nakalimutan na ang IKAW.
Nanay, alam kong napapagod ka din at nahihirapan.
Hindi ikaw si Superwoman. Wala kang superpowers. Hindi ka din Fairy God Mother at wala kang magic wand.
Walang dudang kakayanin mo ang lahat para sa iyong pamilya, lalo na para sa iyong mga anak. Pero, Nanay...
Hindi kahinaan ang pagpapahinga.
Hindi kasalanan ang mapagod.
Hindi bawal ang huminto.
Hindi masamang hindi muna kumilos.
Minsan, kamustahin mo din ang sarili mo. Pakinggan mo siya kung gusto niyang humiga lang at matulog. Ibigay mo sa kaniya ang isang araw na gawin ang isang bagay na gusto niyang gawin para sa sarili niya lang.
Alam ng lahat kung gaano mo kamahal ang iyong mga anak. Pero wag mong kalimutan na sabihin at iparamdam din sa sarili mo na mahal mo siya.
Magpahinga ka din minsan, Nanay. Alam kong kailangan mo 'yan.
Nagmamahal,
IKAW
Comments
Post a Comment